Ikinatuwa ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawin nang batas ang pagbaba ng height requirement sa mga gustong maging miyembro ng PNP.
Ayon kay Eleazar, maaari na ngayon makapasok sa PNP ang lalaking police applicant na may height na 5’2 sa halip na 5’4 na height requirement at sa babaeng police applicant naman ay 5’0 sa dating 5’2 height requirement.
Sinabi ni PNP Chief na bagama’t wala pang Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa pinirmahang batas ng Pangulo ay nakipag-ugnayan na siya kay Col. Ma. Leonora Camarao, ang Director ng PNP Recruitment and Selection Service na tanggapin na ang mga police applicant na ang problema lang ay ang height requirement.
Naniniwala kasi si PNP Chief na hindi nasusukat ang kakayahan ng isang tao sa kaniyang height, kisig, gandang babae at gandang lalaki.
Ngayong taon, target ng PNP na mag-recruit ng 17,000 na mga bagong pulis.