Pag-apruba ng Pangulo sa pagbili ng karagdagang mga chopper, ipinagpasalamat ng Defense Department

Nagpasalamat ang Department of Defense (DND) kay Pangulong Rodrigo Duterte matapos na aprubahan nito ang plano na bumili ng karagdagang mga chopper.

Ayon kay Defense Department Spokesperson Arsenio Andolong, ang pahayag ng Pangulo ay hudyat para masimulan ng DND ang proseso ng paghahanap ng mga bagong chopper para palit sa mga lumang UH-1H o Huey Helicopters.

Sa ngayon aniya ay grounded ang lahat ng Huey Helicopters ng militar makaraang bumagsak ang isa sa mga ito sa Bukidnon nitong nakaraang linggo dahil sa engine failure.


Sinabi ni Andolong, panahon na rin aniya para palitan ng mga bagong Combat Utility Helicopter ang lahat ng Huey Helicopters ng militar dahil matagal na ang mga ito.

Pero dahil sa kakulangan ng pera, natigil ang pagbili ng DND ng mga chopper sa huling binili nitong mga Silorsky Blackhawk Helicopters kung saan 6 na ang nai-deliver at 10 pa ang darating.

Ngayon aniyang nagsalita na ang Pangulo ay sisimulan na ng DND ang pag-“shopping” sa mga available na modelo na magandang bilhin na pasok sa budget ng gobyerno.

Facebook Comments