Pag-apruba ng panukalang pagpapalawig sa tax amnesty, dapat mas inagahan ng Kamara – Senate President Juan Miguel Zubiri

Iginiit ni Senate President Juan Miguel Zubiri na sana ay maagang naipasa ng Kamara ang panukalang batas para sa muling pagpapalawig ng estate tax amnesty.

Ang reaksyon ay kasabay ng hamon ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda na agarang ipasa ng Senado ang panukala para sa extension ng tax amnesty na mapapaso na ngayong June 14, 2023.

Inihain nina Zubiri, Senate President pro tempore Loren Legarda at Senate Majority Leader Joel Villanueva ang bersyon ng panukala o ang Senate Bill 2170 na nagpapalawig sa tax amnesty nang hanggang dalawang taon pa o June 14, 2025 kung saan hindi mapapatawan ng multa ang mga hindi nakapagbayad ng buwis bunsod na rin ng mga restrictions na ipinatupad noon dahil sa COVID-19 pandemic.


Ayon kay Zubiri, handa naman sila na agarang aksyunan ang panukala pero sana ay mas maaga itong inaprubahan ng Kamara bago nagholy week break.

Hindi aniya makakilos ang Senado dahil tali ang kanilang kamay hanggat hindi pa ito naaaprubahan sa Kamara.

Paliwanag pa ni Zubiri, alinsunod sa Konstitusyon, lahat ng tax measures ay dapat na magmula at aprubado muna ng Kamara.

Kahapon lang aniya naisumite ng Kamara sa Senado ang kapapasa pa lang na panukala ukol sa extension ng estate tax amnesty.

Hirit pa ng Senate President, tiyak naman na batid ni Salceda ang 3 day rule sa pagsasagawa ng public hearing kaya inaasahang sa Biyernes pa makapagpapatawag ng pagdinig ang Senate Committee on Ways and Means bilang pagsunod sa rules.

Facebook Comments