
Umapela si Senador Joseph Victor Ejercito sa mga kapwa senador at sa Kamara na pagtibayin ang kanyang isinusulong na supplemental budget na P74.4 bilyon para sa Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.
Ito ay bilang subsidiya sa PhilHealth ngayong taon 2025 matapos magpasya ang Kongreso na tapyasan ito sa national budget.
Iginiit ni Ejercito na kinakailangan ang nasabing pondo para makamit ang layunin ng Universal Health Care Law na zero balance billing sa mga ospital ng gobyerno.
Nananawagan din si Ejercito sa Senate Committee on Health na i-convene ang joint congressional oversight committe para repasuhin ang implementasyon ng Universal Health Care (UHC) Law.
Aniya, sa pag-iikot ng senador sa mga pampublikong hospital, sumalubong sa kanila ang sumbong ng mga pasyente sa mga bayarin sa mga ospital.
Habang apaw din aniya ang mga pasyente sa mga ward kung saan tumutulo ang mga bubong kapag umuulan at binabaha sa tuwing malakas ang buhos ng ulan.
Nais din ni senador na imbestigahan ang pagsibak sa ilang opisyal at kawani ng Department of Health (DOH) na may institutional knowledge sa implementasyon ng UHC Law.









