Manila, Philippines – Dismayadong-dismayado si Gabriela Rep. Arlene Brosas sa pagkakaapruba ng Kamara sa 900 Million na pondo para sa Oplan Double Barrel Reloaded.
Para kay Brosas, ang pag-apruba ng Kamara sa alokasyon sa Oplan Double Barrel ay mistula na ring pagpabor ng gobyerno sa extrajudicial killing o pagpatay sa mahihirap na pinaghihinalaang sangkot sa droga.
Wala na rin aniyang pinag-iba ang mga kongresista na nagsilbing accomplice para maisakatuparan ang mga pagpatay.
Humingi ng breakdown si Brosas kung saan gugugulin ang halos 1 bilyong pondo ng Oplan Double Barrel subalit nabigo ang PNP na magbigay ng detalye nito.
Isa pang kaduda-duda para kay Brosas ang alokasyon ng 500 million pesos para sa MASA-Masid program ng DILG na naglalayong magtatag ng network sa mga komunidad laban sa paglaganap ng droga.
Asahan na aniya ang pagdami pa ng mga mapapatay na mahihirap sa paglobo ng pondo sa kampanya kontra iligal na droga.