Iginiit ni Senator Grace Poe sa Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) na bilisan ang proseso para sa Emergency Use Authorization (EUA) applications para sa COVID-19 vaccines.
Ayon kay Poe, ito ay para mawala rin ang mga haka-haka ng ating mga kababayan na naghihintay ng kickback ang DOH kaya hindi agad nagbibigay ng permit sa mga nag-a-apply na COVID-19 vaccine.
Sinabi ni Poe na marahil unfair ang ganitong hinala sa DOH pero marahil bunga ito ng track record ng DOH lalo ngayong may pandemya.
Ipinunto pa ni Poe, na kung hindi man dahil sa virus eh mukhang ang red tape at mabagal na aksyon ng pamahalaan ang papatay sa atin.
Sa pagdinig ng Senado ay sinabi ni FDA Director General Eric Domingo na may nakabinbin ngayong aplikasyon para sa EUA ang US firm na Pfizer at British firm na AstraZeneca.
Dismayado si Poe dahil kahit alam na nga nating may national emergency ay hindi pa rin mapabilis ng gobyerno ang nararapat na hakbang para maproteksyunan ang mamamayan.