Tiniyak ni Senate Committee on Finance Chairperson Grace Poe na ibabatay sa merito ng panukalang pondo ng bawat ahensya ng gobyerno ang pagapruba sa budget ng mga ito.
Kaugnay na rin ito sa pagpapaliban ng Kamara na aprubahan at tapyasan ang panukalang pondo sa susunod na taon ng Office of the Vice President (OVP) matapos na hindi dumalo si Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Poe, aayusin at aaprubahan ng Senado ang bawat pondo ng ahensya base sa merito ng panukalang budget ng bawat opisina at hindi sa kung sino ang nakaupong kalihim.
Aniya, sasailalim ang bawat ahensya sa matinding pagbusisi upang masigurong ang panukalang pondo ay mailalaan sa dapat na layunin at magagastos ng wasto.
Sa huli aniya ay gugustuhin ng mataas na kapulungan na mayroong pondo ang mga ahensya upang magawa nito ang kanilang mga mandato na maihatid ang napapanahon, episyente at mahahalagang serbisyo na ramdam ng taumbayan.