Umapela si House Majority Leader Martin Romualdez sa mga kasamahang kongresista na unahin muna ang pag-apruba sa national budget bago ang usapin sa pulitika.
Ayon kay Romualdez, pagkatapos naman na mapagtibay ang P4.5 Trillion na 2021 national budget ay maaari nang isunod na pag-usapan ang isyu sa Speakership para matiyak ang smooth transition.
Sinabi ni Romualdez na nakipagusap siya kay Executive Secretary Salvador Medialdea at muling kinumpirma nito na ang panawagan ni Pangulong Duterte para sa pagsasagawa ng special session sa ilalim ng Proclamation No. 1027 ay para ituloy ng Kongreso ang deliberasyon sa pambansang pondo.
Target na pagtibayin sa huling pagbasa sa October 16 o sa darating na Biyernes ang pambansang pondo kasunod na rin ng pagsertipika rito ng Pangulo.
Sa Martes naman muling bubuksan na ng Kamara ang sesyon para ipagpatuloy ang budget deliberation sa plenaryo.