Pag-apruba sa Department of Disaster Resilience (DDR), pinamamadali na

Hiniling ng mga kongresista na may-akda ng panukala para sa pagtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDR) na agad itong aprubahan sa Komite.

Sinimulan nang talakayin ng House Committees on Government Reorganization at Disaster Management ang mga panukalang batas kaugnay sa pagkakaroon ng hiwalay na departamento na tututok sa mga natural at man-made calamities.

Mahigit 20 na mga panukala ang inihain para sa pagbuo ng DDR.


Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, halos pare-pareho lamang ang nilalaman ng mga panukala kaya dapat na madaliin na ang pagapruba sa panukala na ipapalit sa National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC.

Kailangan aniya na magkaroon na ng national agency na siyang mag-cecentralize sa rehabilitation, rescue, response, recovery at reconstruction tuwing may kalamidad.

Sinabi ni Salceda na hindi na dapat maulit ang nangyari noong Typhoon Yolanda kung saan libu-libo ang namatay at milyun-milyong ari-arian ang nasira.

Paliwanag naman ni Magdalo Partylist Rep. Manuel Cabochan, dapat nang palitan ang NDRRMC dahil wala itong sariling workforce, pondo, at resources na kadalasang kinukuha lamang sa iba’t ibang ahensya.

Facebook Comments