Hiniling ni Minority Leader Benny Abante na bantayang mabuti ng gobyerno ang paggugol sa pondo ng Bayanihan to Recover as One o Bayanihan 2 sa pamamagitan ng pag-apruba sa Freedom of Information (FOI) Bill.
Ayon kay Abante, mas ginagarantiya ang transparency sa paggamit ng public funds sa mga proyekto ng pamahalaan kung maipapasa ang FOI Bill.
Giit ng kongresista, kung ma-institutionalize ang FOI Bill ay maiiwasan ang pagwawaldas at pang-aabuso sa pondo ng Bayanihan 2 na ang layunin ay tugunan ang epekto ng COVID-19 sa kabuhayan at sa ekonomiya ng bansa.
Hinikayat ni Abante na habang wala pa ang batas ay tiyaking maigi ng Ehekutibo na napupunta sa mga dapat na proyekto at programa ang P162 billion na pondo.
Mismong ang Pangulo na rin ang nagsabi na hindi na sapat ang financial resources ng gobyerno para sa COVID-19 kaya dapat na mababantayang mabuti ang paggamit sa nasabing pondo laban sa pandemic.