Mas mapapabilis ang pag-apruba ng Food and Drug Administration (FDA) sa gamot o bakuna kontra COVID-19 kasunod ito ng inilabas na Executive Order ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa Emergency Use Authorization (EUA).
Ayon kay Department of Science and Technology (DOST) Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD) executive director Dr. Jaime Montoya, dahil sa EUA, inaasahang maaaprubahan ang bakuna sa loob lang ng 40 araw o mas maaga pa.
Aniya, inaabot ng anim na buwan ang normal na proseso ng pag-apruba ng bakuna kung walang EUA.
Mas magiging mabilis din aniya ang proseso lalo na kung mabibigyan din ng EUA sa ibang bansa ang gamot o bakuna.
Pero paglilinaw ni Montoya, hindi awtomatiko ang pag-apruba sa gamot o bakuna dahil maaari pa rin itong i-reject ng FDA kung makitaan ito ng mas maraming panganib kaysa benepisyo.