Inalmahan ng ilang mambabatas ang mabilis na pag-apruba sa ikalawang pagbasa ng panukala na panibagong prangkisa para sa Manila Water at Maynilad.
Kahapon sa sesyon sa plenaryo ay agad na inaprubahan sa second reading ang 25-year franchise ng Manila Water (House Bill 9423) at 25-year franchise rin ng Maynilad (House Bill 9422).
Pumalag ang ilang kongresista dahil agad inaprubahan ang prangkisa ng Manila Water at Maynilad gayong walang debateng naganap at itinago pa ito bilang local bills.
Umaalma si Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate dahil nais nitong pabuksan ang deliberasyon sa mga panukala ngunit agad namang isinara ang period of sponsorship at debates.
Tinangka ring pigilan ni Zarate ang botohan, ngunit nanaig ang mayorya ng mga kongresista at natuloy ang 2nd reading voting.
Matatandaang ganito rin ang nangyari sa Committee on Legislative Franchises kung saan sa unang araw pa lamang ng pagdinig sa komite ay mabilis na ipinasa sa unang pagbasa ang prangkisa ng Manila Water at Maynilad.
Hindi rin ito sumailalim sa malalim na pagbusisi ng komite sa kabila ng mga isyu at epekto sa publiko ng revised concessionaire agreements sa pagitan ng administrasyong Duterte at ng dalawang water companies.