Pinamamadali na ni Senator Francis Tolentino ang pag-apruba ng Senado sa panukalang Maritime Zones Act.
Giit ni Tolentino, ‘urgent’ at ‘long overdue’ na ang panukala matapos ang panibagong insidente ng pambu-bully ng China sa mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) at Armed Forces of the Philippines (AFP) habang nagsasagawa ng resupply mission sa Ayungin Shoal.
Aniya, ang batas ay dapat na madaliin na dahil ito ay kailangan na ng bansa.
Katunayan, ito ay kailangan na kailangan na noon pa mang mga nakalipas na taon kaya hirit ng senador na paspasan ng mga senador ang pagpapatibay sa panukala.
Kumpiyansa naman si Tolentino na maipapasa ang Maritime Zones Bill dahil ito ay suportado ng Office of the Solicitor General, Philippine Coast Guard, at ng iba pang mga ahensya ng gobyerno.
Nauna nang sinabi ng PCG na makakatulong ang Maritime Zones Bill sa kanilang law enforcement para malinaw nilang ma-identify o matukoy ang maritime zones ng Pilipinas.