Naniniwala si Deputy Speaker at 1PACMAN Partylist Representative Mikee Romero na magsisilbing morale booster para sa mga atletang Pilipino ang pagkakalagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa National Sports Academy Law.
Ayon kay Romero, karamihan sa mga atleta ang naisantabi bunsod na rin ng epekto ng COVID-19 at malaking pag-asa para sa kanila ang pagkakaroon ng batas at suporta para sa mga manlalaro ng bansa.
Malaki ang maitutulong ng academy upang mahasa at malinang ang mga Pinoy athletes bilang Olympic gold medalists at world champions.
Itinutulak din ng kongresista ang pagtatatag ng Sports State University kung saan hinimok nito ang private sector na makibahagi at tumulong sa mga atleta sa bansa.
Habang hinihintay naman na humupa ang pandemya, maaari nang simulan ng Department of Education (DepEd) ang pagbuo ng governing board upang mailatag na ang mga sistema, pagpopondo at mismong academic program para sa National Academy of Sports System.