Hinimok ng ilang kinatawan mula sa iba’t ibang grupo ng kabataan ang mga mambabatas sa bansa na agad nang aprubahan ang panukalang batas na pipigil sa pwersa ng pamahalaan na makapasok at magsagawa ng operasyon sa mga campus ng University of the Philippines (UP) nang walang pahintulot ng mga school officials.
Ayon kay UP Student Regent Renee Louise Co, sa ngalan ng mga mag-aaral, faculty at buong academic community ng UP, kailangang matiyak na ligtas sila laban sa anumang banta sa kanilang kaligtasan.
Habang hinimok din ni Co ang buong komunidad ng UP na magkaisa upang maaprubahan na ang panukala.
Matatandaang noong ika-17 ng Mayo, nagtakda na ng araw ang House Committee on Higher and Technical Education para mapag-usapan ang mga alituntunin sa military at police operations sa loob ng UP campus.