Muling nanawagan si Senator Sherwin Gatchalian sa Senado na aprubahan na ang Senate Bill 1869 o ang panukalang paglikha ng Philippine Center for Disease Prevention and Control.
Sa gitna na rin ito ng nangyaring gastroenteritis outbreak sa lungsod ng Baguio bagama’t sa ngayon ay kontrolado na ito.
Giit ni Gatchalian, nakita sa panahon ng pandemya ng COVID-19 at sa naging outbreak sa Baguio City ang kahalagahan ng isang matatag na sistemang pangkalusugan para sa pagsugpo ng anumang uri ng sakit.
Dahil dito, patuloy na ipinanawagan ng senador ang tuluyang pagpapatibay sa panukalang paglikha ng Center for Disease Prevention and Control sa bansa upang magkaroon ng sapat na kakayahan ang bansa na labanan ang pagkalat ng anumang posibleng lumitaw na mga sakit.
Ang panukalang CDC ang siyang bubuo ng mga estratehiya, pamantayan at mga polisiya para sugpuin ang mga sakit at magiging responsibilidad ng naturang center ang pagpapatupad ng disease surveillance at field epidemiology, pagpapatayo ng mga public health laboratories, at ang pagkakaroon ng lokal na kapasidad para sa surveillance at health research.