Ipinagpaliban ng Senate Committee on Finance ang pag-apruba sa ₱898 billion na pondong hinihingi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa taong 2025.
Ayon kay Senate Committee on Finance Chairperson Grace Poe, marami pang tanong ang ibang mga senador kaugnay sa ipinapanukalang budget ng ahensya partikular sa mga programang may kinalaman sa pagbaha.
Nabusisi ng husto ni Senator Loren Legarda ang DPWH tungkol sa ₱251.1 billion na inilaan para sa flood management program kung saan katumbas ito ng ₱688.5 million pondo kada araw.
Mas malaki pa aniya ito kumpara sa kabuuang budget ng ilang ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may ₱226 billion; Department of Health (DOH) na may alokasyong ₱217 billion; Department of Transportation (DOTr) na may ₱145 billion; at Department of Agriculture (DA) na may ₱111 billion.
Binigyang-diin diin pa ni Legarda na sa kabila ng malaking pondo para sa mga proyekto laban sa baha ay patuloy pa ring humaharap sa mga problema ng baradong drainage system at hindi rin nade-dredge o nahuhukay na mga ilog.