Itinakda ngayong araw ng Senado ang pag-apruba sa resolusyon na kumukundena sa harassment at panghihimasok ng China sa West Philippine Sea.
Ayon kina Senate President Juan Miguel Zubiri at Senator Risa Hontiveros, ngayong araw pagtitibayin ng Senado ang resolusyon matapos magkasundo ang mga senador sa isinagawang caucus at konsultasyon sa Ehekutibo patungkol sa mga isyu at hakbang na dapat gawin sa West Philippine Sea.
Kasama sa caucus sina Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, National Task Force for the West Philippine Sea Chairman Sec. Eduardo Año, Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., at mga senior officials.
Pinagsanib nina Zubiri at Hontiveros ang kanilang mga resolusyon na pagkundena sa pangha-harass ng mga Chinese sa mga mangingisda at patuloy na panghihimasok ng Chinese Coast Guard at militia vessels sa West Philippine Sea.
Dagdag dito ni Hontiveros, malinaw na nakasaad sa resolusyon ang mga pamamaraan na maaaring gamitin ng DFA para igiit ang ating claims at karapatan sa rehiyon gayundin ang paghimok sa pamahalaan na iakyat ang West Philippine Sea issue sa United Nations General Assembly.
Dahil sa pagkakasundong ito, malinaw aniya na nagtagumpay dito ang gusto ng taumbayan at hindi ang gusto ng China.