Manila, Philippines – Malabo pa na mangyari na maideklara na unang pangulo si Andres Bonifacio.
Ayon kay Rene Escalante, chairman ng National Historical Commission, una na nilang binuksan noon ang debate sa usapin, pero, hindi nailinaw kung anong klaseng gobyerno talaga ang itinatag ni Bonifacio.
Hindi rin malinaw ang istraktura ng mga kasama niya noon kung maituturing ba silang gabinete.
Nauna rito, nais ng apo sa tuhod ni Andres Bonifacio muling pag-aralan ang kasaysayan ng bansa at tingnan ang kasaysayan para kilalanin hindi lamang bilang supremo si Andres Bonifacio kung hindi bilang unang pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Aniya bago pa man ideneklarang kauna-unahang pangulo ng bansa si Heneral Emilio Aguinaldo, mayron nang naitatag na grupo si Andres Bonifacio na tinawag na Haringbayan Katagalugan na siyang pinamumunuan nito.