Pag-aresto at pagkulong sa isang radio reporter sa Maynila, mariing kinondena ng mga mamamahayag

Mariing kinondena ng mga mamamahayag ang ginawang panggigipit ng ilang miyembro ng Manila Police District (MPD) Station 10 sa isang reporter ng DZRB Radyo Pilipinas 1 (RP1).

Batay sa mga impormasyon na nakalap ng ilang kapwa mamamahayag, inaresto si Lorenz Tanjoco sa isang checkpoint sa Beata, Pandacan, Maynila.

Sa report, binabaybay ni Tanjoco ang lugar sakay ng kanyang motorsiklo nang matanggal ang kabilang bahagi ng suot na face mask habang naka-helmet.


Ayon kay Tanjoco, hindi na niya magawang maisuot ang facemask dahil nasa gitna ng highway kaya minabuti niyang tanggalin at saka na lamang isuot kapag nakahinto na.

Nang pagsapit sa naturang checkpoint, susuotin na sana ni Tanjoco ang kanyang facemask nang bigla siyang sitahin ng mga pulis.

Sa kabila ng paliwanag ni Tanjoco, hindi aniya siya pinakinggan at sa halip ay kinuha ang kanyang lisensiya at hiningan ng quarantine pass.

Wala namang maibigay na quarantine pass si Tanjoco dahil kabilang naman ito sa Authorized Person Outside Residence (APOR) dahil siya ay miyembro ng media, kaya ang kanyang Inter-Agency Task Force (IATF) ID ang ibinigay, dahilan para lalong magalit sa kanya ang pulis at mayabangan.

Sinabi pa aniya ng isang pulis na “Tuluyan na yan, anong media media”.

Tila diniscriminate pa umano ng mga pulis si Tanjoco, dahil kinuwestyon pa ang pagiging media personality sa kanyang suot na sando at shorts na noo’y papunta sa kanyang dentista.

Kinumpiska ng mga pulis ang kanyang cellphone nang subukan niyang kumuha ng video sa Beata Police Community Precinct (PCP).

Agad ring pinosasan si Tanjoco at saka ikinulong na hindi binasahan ng miranda rights.

Inabot ng mahigit 10-oras bago tuluyang pakawalan si Tanjoco kung saan iniinda nito ang mahigpit na pagkakaposas sa kanya.

Hindi naman niya nagawang makuha ang buong pangalan ng umaresto sa kanya na ang nakalagay sa kanyang name plate ay “Geronimo” at tauhan ni MPD Station 10 PCP Commander PLt. Joel Piñon.

Facebook Comments