
Lumitaw sa pagdinig Senado na walang “red notice” mula sa International Criminal Police Organization (Interpol) para arestuhin si dating Pangulong Rodrigo Duterte at dalhin sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, The Netherlands.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations, inilabas ni Committee Chairman Imee Marcos ang red diffusion o ang tinatawag na “diffusion notice” mula sa Interpol at dito ay kinumpirma ni Philippine Center on Transnational Crime (PCTC) Executive Director Anthony Alcantara.
Binigyang-diin ni Sen. Marcos na wala talagang batayan ang pag-aresto ng Interpol kay Duterte dahil ang red diffusion o “diffusion notice” ay paghingi lang ng impormasyon at pakikisuyo na tulungan sila ng bansa.
Hindi tulad sa “red notice” ang diffusion notice ay hindi pa verified, hindi rin dumaan sa commissioner ng Interpol at hindi rin ito naka-post sa website.
Maliban dito ay pinalitaw din ni Sen. Marcos na planado ang pag-aresto kay dating Pangulong Duterte taliwas sa paulit-ulit na sinasabi ng mga miyembro ng gabinete at ng Philippine National Police (PNP) na wala silang alam at biglaan ang naging pag-aresto sa dating pangulo.
Ipinunto ni Sen. Marcos na batay sa diffusion notice na may petsang March 11, 2025, at may oras na 3:04 AM, nakasaad dito na na-i-transmit ang notice “after prior consultations with the Government of the Philippines”, ibig sabihin nagkaroon ng konsultasyon at alam ng pamahalaan ang nasabing request.
Napuna rin ng senadora ang naging hakbang ng PNP kung saan salig sa memorandum ni PNP Chief Rommel Marbil ay pina-mobilize na ang nasa 7,000 pulis sa bisperas ng pag-aresto kay Duterte.
Batay pa sa diffusion notice, provisional lang ang request na pag-aresto at magsasagawa ng extradition, na ang ibig sabihin dadaan pa ito sa korte ng Pilipinas subalit malinaw na hindi sinunod at nagmadaling arestuhin si Duterte.