Pag-aresto ng ICC kay FPRRD, pinangangambahang posibleng mangyari sa ibang mga Pilipino

Nababahala si Senator Imee Marcos na maaaring magawa sa ibang mga Pilipino ang pag-aresto na ginawa ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa pagsisimula ng pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations, sinabi ni Committee Chairman Imee Marcos na isinuko ng pamahalaan si dating Pangulong Duterte sa dayuhan na tila hindi kayang humusga ng sariling bansa.

Sinabi ni Sen. Marcos na kung nagawa ito ng ICC sa dating pangulo, papaano na lamang sa mga karaniwang Pilipino at anong proteksyon ang magagarantiya sa mga Pilipino laban sa mga ganitong pag-aresto.


Giit ng mambabatas, ang hustisya mula sa mga dayuhan ay hindi hustisya kundi isang porma ng pang-a-alipin at pagkontrol sa atin.

Dagdag pa ni Sen. Marcos, ang imbestigasyon ng Senado ay higit pa sa nangyari kay dating Pangulong Duterte dahil ito ay tungkol na sa dignidad ng mga Pilipino.

Muling binigyang-diin naman ni Senator Christopher “Bong” Go na “too late the hero” na ang pagdinig ng Senado sa ginawang pag-aresto kay dating Pangulong Duterte.

Hinamon din ni Go ang mga awtoridad na kung nagawang dalhin si Duterte sa loob ng 13 oras sa The Hague ay dapat magawa rin ng mga ito na maibalik sa bansa sa lalong madaling panahon ang dating pangulo.

Facebook Comments