Thursday, March 12, 2026

Pag-aresto sa beteranong reporter na nag-ulat sa kaso ng konsehal sa Maynila, kinondena ng NUJP

Mariing kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang pag-aresto sa isang beteranong reporter na nag-ulat lamang tungkol sa kinahaharap na kaso ng isang konsehal sa Maynila.

Ayon sa NUJP, malinaw na isang paghihiganti at pag-abuso sa batas ang pagsasampa ng kaso ni Rosalino Ibay Jr., laban kay Misael Boy Gonzalez Jr..

Batay sa ulat, inaresto si Gonzalez dahil sa umano’y paglabag sa Data Privacy Act of 2012 matapos nitong iulat ang detalye ng arrest warrant laban kay Ibay, na nahaharap sa alegasyon ng umano’y pang-aabuso sa isang menor de edad.

Ayon pa sa NUJP, isang usaping may malaking interes sa publiko ang kaso laban kay Ibay lalo na’t isa siyang public servant.

Dagdag pa ng grupo, bahagi ng tungkulin ni Gonzalez bilang mamamahayag ang pag-uulat ng naturang impormasyon at hindi ito maituturing na krimen.

Iginiit din ng NUJP na hindi ito ang unang beses na ginamit ang Data Privacy Act upang umano’y i-harass ang mga nasa larangan ng media, kaya nanawagan sila na ibasura ang mga kasong isinampa laban sa beteranong reporter.

Samantala, kinondena rin ng Justice Reporters Organization ang pag-aresto at binigyang-diin na nakabase ang ulat sa mga opisyal na dokumento ng korte.

Ayon sa grupo, karaniwang ibinabatay ng mga mamamahayag na nagko-cover ng Justice beat ang kanilang ulat sa mga opisyal na dokumento, court filings, at beripikadong rekord upang maipaalam sa publiko ang mahahalagang impormasyon.

Nanawagan naman ang Justice Reporters Organization sa mga awtoridad na tiyaking nasusunod ang due process at napoprotektahan ang mga karapatang nakasaad sa Konstitusyon, kabilang ang freedom of the press.

Facebook Comments