Pinaiimbestigahan ng Bayan Muna sa Kamara ang pag-aresto ng San Juan Police sa community doctor at human rights defender na si Dr. Ma. Natividad Marian Castro.
Nito lamang Pebrero 18 ay inaresto ng mga pulis ang doktora na pwersahang pinasok ang family residence sa nabanggit na lungsod.
Pagkatapos nito ay inilipad sa Butuan City si Castro kung saan doon nakasampa ang mga kaso ng kidnapping at illegal detention laban sa kanya.
Inirereklamo ng mga kaanak ni Castro na bukod sa pwersahang pinasok ang kanilang tahanan, ay hindi rin binasahan ng kanyang Miranda rights ang doktora.
Bukod dito, hindi rin unipormado ang mga pulis na umaresto kay Castro at photocopy lamang ang “warrant of arrest” na may ibang nakasulat na pangalan.
Ipinagkait din ang access ni Castro sa kanyang pamilya at sa legal counsel.
Dahil dito, inihain ng mga kinatawan ng Bayan Muna Partylist ang House Resolution 2496 na nag-aatas sa House Committee on Human Rights na siyasatin “in aid of legislation” at kundenahin ang ginawang ilegal na pag-aresto kay Castro.