Pag-aresto sa isang senador sa loob ng Senado, hindi pwedeng gawin ayon sa isang senador

Iginiit ni Senator Sherwin Gatchalian na hindi pwedeng gawin ang pag-aresto sa loob ng Senado sa kahit sinong senador.

Ang reaksyon ng mambabatas ay kaugnay ng posibleng pagdakip ng International Criminal Court (ICC) kay Senator Bato Dela Rosa.

Ayon kay Gatchalian, kailangang igalang ng lahat ang institusyon.

Paglilinaw ni Gatchalian, hindi naman ibig sabihin nito na dedepensahan ng Senado ang isang senador kung siya ay nagkasala, pero noon pa man ay itinataguyod ang polisiya na hindi dapat gawin ang pag-aresto sa loob ng mataas na kapulungan.

Kahit aniya, sa ibang mga senador na naharap sa kaso ay walang naganap na pag-aresto sa loob ng Senado.

Samantala, mula nang magbalik-sesyon noong November 10 matapos ang Undas break, hindi pa rin lumitaw sa mataas na kapulungan si Dela Rosa.

Facebook Comments