
Ikinadismaya ni House Committee on Public Order and Safety Chair at Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano ang pag-aresto kamakailan sa driver ng isang kotse na binagsakan ng estudyanteng nahulog mula sa istasyon ng LRT sa Quezon City.
Giit ni Valeriano, hindi makatarungan ang pag-aresto at pagdetine ng mga awtoridad sa mga motorista kung wala namang sapat na batayan na nagkaroon ang mga ito ng kapabayaan.
Ayon sa mambabatas, malinaw umano itong maling pagpapatupad ng Article 365 ng Revised Penal Code, na tumutukoy sa reckless imprudence.
Kinastigo rin ni Valeriano ang mga pulis dahil hinintay pa umano ang affidavit mula sa pamilya ng nasawing estudyante bago tuluyang pinalaya ang driver.
Bunsod nito, iginiit ng kongresista ang agarang pagrebisa sa police procedures kaugnay ng pag-aresto at pagdetine sa mga kasong reckless imprudence.
Nanawagan din siya sa Korte Suprema na repasuhin ang Rules of Criminal Procedure kaugnay ng naturang usapin.










