Pag-atake at harrasment sa ilang mamamahayag sa kilos-protesta sa Maynila, kinondena ng PTFoMS

Kinondena ng Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) ang karahasang naranasan ng mga mamamahayag sa naganap na kilos-protesta sa Maynila nitong Setyembre 21.

Nasugatan si broadcast journalist Manny Vargas matapos tamaan ng projectile habang nagko-cover ng rally.

Habang nakaranas din ng harassment si News5 reporter Gary de Leon, na sinigawan, binastos, at hinarang ng ilang demonstrador habang nasa live coverage.

Ayon kay PTFOMS Executive Director Jose Torres Jr., malinaw na patunay ang mga insidenteng ito na kailangang palakasin ang proteksiyon para sa mga mamamahayag.

Giit niya, hindi dapat isantabi ang seguridad ng media dahil sila ang nagsisilbing mata at boses ng bayan.

Pinuri naman ni Torres ang mabilis na aksiyon ng mga pulis na nagbigay proteksiyon kay De Leon upang maiwasan ang mas malalang sitwasyon.

Tiniyak ng PTFOMS na magpapatuloy ito sa pagsusulong ng mga hakbang para tiyakin ang kaligtasan ng media workers at iginiit na dapat igalang ng lahat ang mahalagang papel ng mamamahayag sa pagbibigay ng tapat at tamang impormasyon sa publiko.

Facebook Comments