Manila, Philippines – Nahuli-cam ang pag-atake ng basag-kotse gang kung saan nabiktima ang isang arcade sa barangay Holy Spirit, Quezon City.
Sa kuha ng CCTV, makikita ang isang nakaparadang puting kotse sa tapat ng Don Antonio Arcade at dito napansin ang isang lalaki na walong beses na pabalik-balik at tila nagmamatyag sa nakaparadang kotse.
Ilang sandali, inilawan ng lalaki gamit ng flashlight ang loob ng kotse.
Kwento ni Dr. Bernadette Marcelo-Arcena – basag ang salamin ng passenger side ng sasakyan ng kanyang anak.
Tinangay aniya ang mga gadget na nagkakahalaga ng 40,000 pesos at bag na naglalaman ng mahahalagang dokumento.
Dismayado naman si Arcena dahil sa kakulangan ng seguridad sa lugar.
Aminado naman si barangay kagawad Jomar Lagarto – na kulang ang mga rumoronda nilang tauhan sa lugar.
Sa tala ng barangay, ika-apat na ng insidente ng basag kotse ngayong taon.