Pag-atake ni Pangulong Duterte sa Senado, maaring humantong sa constitutional crisis

Ibinabala ni Senator Leila de Lima ang paghantong sa constitutional crisis ng pag-atake ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Senado.

Ayon kay De Lima, ang constitutional crisis ay magpapahina sa Republika na makakasama sa mamamayang Pilipino.

Dahil dito ay inihain ni De Lima ang Senate Resolution number 898 na naglalayong manawagan ang buong Senado kay Pangulong Duterte na magkaroon ng paggalang sa Senado bilang co-equal institution ng Ehekutibo.


Hangad ni De Lima na maawat ang mga pahayag ni Pangulong Duterte na nakakapagpababa ng respeto sa Senado at mga miyembro nito.

Binibigyang-diin sa resolusyon ni De Lima ang kahalagahan na maging mabuting halimbawa ang pangulo sa pagbibigay-daan sa mga demokratikong proseso gaya ng imbestigasyon.

Ipinaliwanag sa resolusyon ni De Lima na anumang mababaw at personal na atake ng pangulo sa mga senador ay nakakaapekto sa tiwala at kumpyansa ng publiko sa ating mga democratic institutions.

Iginiit ni De Lima sa resolusyon ang doktrina ng separation of powers o magkakahiwalay na kapangyarihan sa mga sangay ng gobyerno na dapat ay may koordinasyon at may paggalang sa pagganap ng kanilang mandato na itinatakda ng konstitusyon.

Facebook Comments