
Kinondena at ikinalungkot ni Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong ang pag-atake at mga walang basehang kritisismo sa Philippine Coast Guard (PCG) at sa mga kawani nito.
Kaugnay nito, hinihikayat ni Adiong ang mamamayang Pilipino na maging mapagmatyag at labanan ang fake news na isinusulong ng mga personalidad na pumapanig sa propaganda ng China upang mapahina ang depensa ng bansa sa ating teritoryo, kabilang ang West Philippine Sea.
Diin ni Adiong, ang West Philippine Sea ay atin, at ang Philippine Coast Guard ay ating tagapagtanggol, kaya walang puwang ang pangungutya sa kanilang katapangan.
Mensahe ito ni Adiong kasunod ng mga puna at panawagan ni Cavite Representative Kiko Barzaga na buwagin na ang PCG.
Bunsod nito, inihain ni Adiong ang House Bill No. 5552 na naglalayong rebisahin ang Philippine Coast Guard Law upang higit pa itong mapalakas at mapatatag sa pagtatanggol sa ating maritime sovereignty, marine resources, at kaligtasan ng mga Filipino seafarers, lalo na sa bahagi ng West Philippine Sea.









