Magkakaroon sana ng magandang diskurso sa publiko kung natuloy ang debate sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio patungkol sa mga isyu sa West Philippine Sea.
Ito ang sinabi ni Vice President Leni Robredo matapos umatras si Pangulong Duterte sa kanyang mismong hamon.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, iginiit ni Robredo maliliwanagan sana ang mga tao sa ilang isyu sa West Philippines Sea kung mayroon ganitong public discourse.
Kinuwestyon din ni Robredo na tila pinapalabas nina Presidential Spokesperson Harry Roque at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na si Carpio ang naghahamon sa Pangulo.
Binanggit din ng Bise Presidente ang ilang social media memes na tila si Carpio ang umatras sa debate.
Una nang sinabi ni Carpio na kakasa siya sa hamon na debate pero imbes ang Pangulo ang kanyang makakaharap ay si Roque ang makakatapat nito.
Samantala, na-trending sa Twitter ang hashtag #DuterteDuwag matapos mag-back out ang Pangulo sa debate.
Pero sagot ni Panelo, ang pag-atras ng Pangulo ay hindi nangangahulugang duwag na siya, ayaw lang nilang samantalahin ito ni Carpio para sa media mileage.