Hindi na nakakagulat ang biglaang pag-atras ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkandidato sana nito sa pagka-bise presidente sa halalan sa 2022.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ng political analyst na si Prof. Clarita Carlos na abogado ang pangulo at alam nitong may malalabag siya sa konstitusyon kapag itinuloy niya ang pagtakbo.
Ayon pa kay Carlos, klarong nakasaad na Konstitusyon na maaari lamang manilbihan sa loob ng isang termino ang pangulo.
“Paulit-ulit yung sinasabi niya, lawyer siya at alam niyang magba-violate siya ng Constitution tsaka 10,000 times na niyang sinabing pagod na siya. So, kapag pinagsama mo yung dalawa, talagang wala siyang ibang galaw kundi umatras,” ani Carlos.
“Halimbawang nanalo siyang vice president at namatay yung pangulo, e di pangulo ulit siya. Na-violate na siya yung one-term rule. Whatever the method is, one term lang dapat yung president,” punto pa niya.
Pero para sa election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal, pwedeng tumakbo sa vice presidential race si Pangulong Duterte dahil wala namang probisyon sa Konstitusyon na nagbabawal dito.
“Oo, successor but not election… kaya hindi labag sa probisyon although labag sa intensyon,” saad ni Macalintal.
Noong Sabado, inanunsyo ni Pangulong Duterte na magreretiro na siya pulitika at kasabay nito, naghain ng Certificate of Candidacy si Senator Bong Go para sa pagka-bise presidente.
Naniniwala naman si Macalintal na hindi mahahakot ni Go ang supporters ng pangulo.
“Iban-iba ang character nila e, sa pagsasalita na lang e, iba talaga magsalita ang pangulo. Si Bong Go, tahimik lang yan.”
“E alam mo naman kapag kampanya na, magkakaroon ng debate e magkakaharap-harapan ‘yan. E hindi naman siya ganon kagaling magsalita katulad ng Pangulong Duterte, kaya palagay ko, hindi para makuha niya yung boto [na para] kay Pangulong Duterte,” dagdag niya.