Pag-atras sa pagbubukas ng klase, umani ng suporta sa mga senador

Nagpasalamat sina Senators Francis Tolentino at Christopher ‘Bong’ Go sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na iatras sa October 5 ang pagbubukas ng klase.

Ayon kay Tolentino, makatao ang pasya ng Pangulo na tugon sa kasalukuyang health issues dahil sa COVID-19, gayundin sa paghahanda ng Department of Education (DepEd) at sa mga magulang na nawalan ng trabaho.

Sabi naman ni Senator Go, daan ito para magkaroon ng sapat na panahon na matugunan ang pangangailangan ng mga estudyante, guro, mga paaralan at para makapaghanda nang husto ang DepEd.


“Sa pag-urong ng school year opening sa October 5, magkakaroon ng dagdag at sapat na panahon upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga estudyante, teachers, learning institutions at education authorities sa pag-implementa ng flexible o blended modes of learning.

Layunin po natin na masigurong may pantay-pantay na pagkakataong makapag-aral ang mga kabataan, anuman ang kanilang antas sa buhay at nasaan man silang parte ng bansa, sa paraang ligtas at hindi masyadong pabigat sa kasalukuyan nating sitwasyon” pahayag ni Senator Go.

Sang-ayon din si Senator Sherwin Gatchalian na unahin ang kaligtasan ng mga estudyante, mga guro at kanilang pamilya.

Sabi ni Gatchalian, mas magkakaroon ngayon ng panahon ang DepEd na plantsahin ang lahat ng aspeto ng Basic Education-Learning Continuity Plan (BE-LCP) upang matiyak ang dekalidad na edukasyon sa ligtas at mabisang paraan.

Pinuri naman ni Senator Joel Villanueva ang mga pagsisikap ni Education Secretary Leonor ‘Liling’ Briones para sa pagbubukas ng pasukan habang isinasaalang-alang ang kapakanan ng mga mag-aaral at guro.

Kaugnay nito ay iminungkahi ni Villanueva sa DepEd na hayaan ang mga eskwelahan na nakapagsimula na ng klase na magpatuloy kung wala namang nagiging problema ang mga ito.

Facebook Comments