Pag-audit sa DPWH at imbestigasyon sa tibay ng mga tulay at iba pang istraktura, isinulong sa Kamara

Hiniling ni Manila Second District Rep. Rolando Valeriano ang pagsasagawa ng komprehensibong inspeksyon at pag-audit sa mga tulay, flyover, overpass, viaduct at iba pang katulad na mga istraktura sa buong bansa.

Ang hirit ni Valeriano ay nakapaloob sa inihain niyang House Resolution Number 2257 na layuning masuri kung matibay at ligtas na gamitin o daanan ang mga ito ng publiko.

Hakbang ito ni Valeriano, kasunod ng pagbagsak ng ilang tulay tulad ng Marilao Interchange Bridge sa Northern Luzon Expressway at ang mahigit 1.2 bilyong pisong halaga ng Cabagan-Sta Maria Bridge sa Isabela Province.


Idinagdag pa ni Valeriano ang walo pang malalaking tulay sa iba’t ibang lugar sa bansa na mayroong mga problema at kailangang isaayos.

Sabi ni Valeriano, bukod pa ito sa napakaraming flood control projects na kailangang asikasuhin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ngayong taon.

Giit ni Valeriano, kailangang matiyak na tama at maayos ang trabaho ng DPWH kung saan kaligtasan ng mamamayan ang nakasalalay.

Facebook Comments