
Iginiit ng dalawang kongresistang kasapi ng Makabayan Bloc na hindi dapat ipagkatiwala sa Department of Public Works and Highways o DPWH ang pag-audit sa flood control projects.
Ayon kina Representatives Antonio Tinio ng ACT Teachers Partylist at Renee Co ng Kabataan Partylist, dapat itong ipaubaya sa Commission on Audit o COA na isang independent body.
Punto ni Congresswoman Co, paano i-a-audit ng DPWH ang sarili nilang kapalpakan at baka magkaroon lamang ng whitewash.
Ayon kina Tinio at Co, napatunayan na ang kakayahan ng COA sa paghalukay sa mga anumalya sa gobyerno katulad ng ginawa nito sa Pork Barrel Scam at isyu ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte.
Bunsod nito ay nananawagan sina Tinio at Co sa Kamara na magpasa ng resolusyon na humihiling sa COA na agarang magkasa ng komprehensibong audit sa lahat ng DPWH flood control projects mula 2016 hanggang sa kasalukuyan.









