Pag-audit sa gastos ng government agencies, hindi kasama sa trabaho ng vice president

Binigyang diin ni Senator Nancy Binay na hindi kasama sa trabaho ng ikalawang pangulo ng bansa ang pag-audit o magsuri sa gastos ng mga ahensya ng pamahalaan.

Bilang anak ng dating vice president ay ipinaliwanag ni Binay na ang kapangyarihang ito ay hawak ng Commission on Audit o COA.

Sinabi ito ni Binay kasunod ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na i-audit niya ang mga ahensya ng gobyerno kapag siya ay nanalong vice president sa 2022 elections.


Gayunpaman, nauunawaan ni Binay ang himutok ni Pangulong Duterte lalo’t nagamit din ang COA audit report noon sa paninira sa kanilang pamilya.

Katulad din ni Pangulong Duterte ay magtatanong din si Binay kung sino naman ang nag-o-audit sa COA.

Dahil dito ay iminungkahi ni Binay na repasuhin ang sistema ng COA sa paglalabas ng audit report dahil mayroon ditong hindi napapanahon at hindi pa rin digital at minsan ay nakakantala din sa mga proyekto ng gobyerno.

Facebook Comments