Pag-ban ng FB sa higit 200 page ng Twinmark Media, ikinatuwa

Ikinatuwa ni Vice President Leni Robredo ang pag-ban ng Facebook sa kumpanyang nagpapakalat ng fake news online.

Magugunitang tinanggal ng Facebook ang halos 300 page at accounts ng digital marketing group na Twinmak Media Enterprises dahil sa paglabag ng kanilang polisiya.

Sa programang Biserbisyong Leni ng RMN Manila, sinabi ni Robredo na magandang balita ito para sa taumbayan.


Ipinapakita lamang aniya nito na pinaiigting ng social networking site ang mga hakbang nito na tugisin at habulin ang mga nagpapalaganap ng maling impormasyon at gumagamit ng pekeng accounts.

Binanggit ni Robredo ang ilang Facebook pages tulad ng ‘Trending News Portal’ at ‘Filipino Channel Online’ na naglalabas ng maling balita at pekeng impormasyon laban sa mga oposisyon tulad niya.

Nanawagan din si Robredo sa mga netizens na maging maingat sa mga bagat na ibinabahagi online at ugaliing beripikahin ang impormasyon.

Facebook Comments