Pag-black list sa mga importer na sangkot sa smuggling, dapat sundan ng pagsasampa ng kaso

Buo ang suporta ni House Committee on Aquaculture and Fisheries Resources Chairman at Bicol Saro Partylist Representative Brian Raymund Yamsuan sa hakbang ng Department of Agriculture (DA) na i-black list ang mga importer na sangkot sa pagpupuslit o smuggling ng isda at iba pang produktong agrikultural.

Giit ni Yamsuan sa DA, sampahan din ng kasong kriminal ang nabanggit na mga tiwaling kompanya na posibleng gagamit lang ng dummy firms para ipagpatuloy ang kanilang ilegal na aktibidad.

Mensahe ito ni Yamsuan sa DA makaraang ihayag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang planong pag-blacklist sa apat na importers na kinabibilangan ng isang importer ng bigas, dalawa ay sa isda at ang isa ay sa asukal na pawang sangkot sa economic sabotage.


Binigyang diin ni Yamsuan na ang agricultural smugglers ay balakid sa pagkamit ng bansa ng seguridad sa pagkain at pinapatay din nito ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda.

Dagdag pa ni Yamsuan, delikado din ito sa kalusugan ng mamamayan dahil ang mga ipinuslit na produkto ay hindi dumadaan sa proseso at pagsusuri para matiyak na ligtas itong kainin.

Facebook Comments