Pag-blacklist ng China sa Pilipinas para sa turismo, hindi umano ‘categorical’ na sinabi ng Chinese ambassador; pero Pilipinas, nanganganib ngang masama sa blacklist

Wala umanong ‘categorical statement’ o direktang sinabi si Chinese Ambassador Huang Xilian na iba-blacklist na ng China ang Pilipinas sa turismo dahil sa operasyon ng mga POGO o Philippine Offshore Gaming Operators sa bansa.

Ito ang sinabi ni Senator Sherwin Gatchalian na kasama rin noong Lunes nina Senate President Juan Miguel Zubiri at Senator Robin Padilla nang makausap si Ambassador Huang Xilian.

Ayon kay Gatchalian, wala namang diretsahang sinabi ang ambassador na ma-ba-blacklist na ang Pilipinas ng China bilang tourist site dahil sa POGO.


Pero sa takbo ng kanilang pag-uusap ay naroon ang panganib na ma-blacklist sa turismo ang Pilipinas at ito ay ikinukunsidera na ng China.

Aniya pa, ito ay isang simpleng kaso lang ng ‘misappreciation’ at hindi na ito dapat palakihin pa.

Ang courtesy call ng Chinese ambassador sa Senado ay naging magiliw aniya kung saan masaya at may puntong naging seryoso rin sila sa ilang usapin.

Gaya sa mga unang pahayag ni Zubiri, sinabi rin ni Gatchalian na ibinahagi sa kanila ng ambassador na isang seryosong social problem ang online gambling sa China kaya isinusulong ng senador na dapat na ngang ipatigil ang operasyon ng POGO sa bansa.

Facebook Comments