May paraan pa para makabawi ang Pilipinas sa patuloy na harassment at pambu-bully ng China.
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, isa na rito ang posibleng pag-blacklist o boycott sa mga kumpanya o produkto ng China na nasa bansa.
Sinabi ni Zubiri na hindi lang niya gusto ng hanggang salita lang ang bansa at maaari naman nilang tumbasan ng aksyon para makabwelta na ng tuluyan sa China.
Aniya, pwedeng tularan ng Pilipinas ang ginawa ng Vietnam matapos magdesisyon na i-boycott ang lahat ng mga Chinese-made products at ngayon ang numero unong trading partner ng Vietnam ay mga Western nations habang may free trade agreement din sila sa European Union at binabalak na rin magkaroon ng kasunduan sa US.
Tiwala si Zubiri na maaari pa ring makausad ang bansa at makakuha ng ibang malakas na trading partner bukod sa China.
Dagdag pa ni Zubiri, ito ay maaaring talakayin sa pagtalakay ng budget kung saan maaari nilang ihirit sa DPWH ang posibilidad na i-blacklist ang mga Chinese construction companies, engineering companies at iba pa.
Nababahala ang Senate President na kung walang gagawin ang bansa ay tiyak na hindi titigilan ng China ang pambu-bully sa Pilipinas.