Kinondena ng Bayan Muna Party-List ang pag-block ng National Telecommunication Commission (NTC) sa mahigit 20 website ng CPP-NPA-NDF, mga progresibong grupo at independent media.
Bago ito, matatandaang sumulat si National Security Adviser Hermogenes Esperon sa NTC upang hilingin na i-block ang access sa higit 20 website dahil sa pagpapakalat ng misinformation at propaganda laban sa gobyerno.
Ayon kay Bayan Muna Party-List Representative Carlos Isagani Zarate, ginagamit na ng administrasyon ang kontrobersyal na Anti-Terrorism Act of 2022 para patahimikin ang mga kritiko nito at ang oposisyon.
Giit pa ni Zarate, hindi naman nakasaad sa nasabing batas na pwedeng i-block ang mga website maski ng mga organisasyon na hindi naman itinuturing na affiliate ng teroristang grupo.
“We already warned about this scenario nung pinagde-debatehan pa itong Anti-Terror Law sa Mababang Kapulungan na this can be weaponized by this administration and any administration for that matter against sa kanyang mga critics and even sa oposisyon. Weaponized in the sense na they can stretch the meaning and spirit na ano yung nakalagay sa Anti-Terror Law,” giit ni Zarate.
“Ito ay throwback to the martial law era without declaring any martial law at all. And this violates yung constitutionally guaranteed rights to freedom of expression and of the press,” dagdag niya.
Dahil sa aksyong ito ng National Security Council, sinabi ni Zarate na maaaring mag-alangan na rin ang media na punahin ang gobyerno.
“Sisimulan nila ngayon sa mga critical or progressive numbers of our society, what’s next? Sino ulit? At dahil nagkaroon na ng chilling effect yung kasamahan natin sa media ay mag-aalangan na rin na i-criticize ang gobyerno dahil baka sila na uli ang sunod na i-block ang kanilang website just like what’s happening now sa Bulatlat at Pinoy Weekly,” saad ng mambabatas.
“Itong ganitong aksyon e talagang condemnable at dapat i-challenge ito ng mga concerned groups na na-block ang kanilang websites,” giit pa niya.
Samantala, pinag-aaralan na ng mga grupong na-block ang website, ang posibleng legal na aksyon kaugnay sa naging hakbang ng NSC.