Pag-convene ngayong araw ng Kamara bilang committee of the whole para talakayin ang Cha-Cha, hindi natuloy

Hindi tuloy ngayong hapon, February 21 ang nakatakda sanang pag-convene ng mga miyembro ng Kamara bilang “Committee of the Whole” para simulan ang pagtalakay sa Resolution of Both Houses o RBH No. 7 na nagsusulong ng pag-amyenda sa mga economic provisions ng 1987 constitution.

Sa pulong balitaan ngayong hapon ay inanunsyo ni Marikina City Rep. Stella Quimbo na iniurong sa Lunes, Feb. 26 ang pagsisimula ng trabaho ng Committee of the Whole.

Paliwanag ni Quimbo, ito ay dahil hindi available ang kailangang resource person.


Binigyang diin ni Quimbo, na mahalaga ang “inputs” ng resource person sa mga panukalang batas lalo na sa pagsusulong ng Charter change (Cha-cha).

Sa kabila nito ay tiwala naman si Quimbo na mapabibilis pa rin ang proseso para sa panukalang Cha-cha, dahil sa plenaryo na mismo ito tatalakayin ng Committee of the Whole at matapos nito ay maaring sundan agad ng botohan.

Magsisilbing chairman ng Committee of the Whole si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez habang si House Majority Leader Manuel Dalipe naman ang senior vice chairman.

Facebook Comments