Pag-decongest sa mga piitan na utos ng Korte Suprema sa gitna ng COVID 19 crisis, welcome sa DILG

Pabor ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pagpapalaya sa mga persons deprived with liberty (PDL) o mga preso sa mga bilangguan sa gitna ng COVID-19 crisis.

Reaksyon ito ni DILG Secretary Eduardo Año sa inilabas na administrative circular ng Korte Suprema na pinapayagan nang makalaya ang mga PDL mula sa mga pasilidad na pinangangasiwaan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Corrections (BuCor).

Ayon sa ruling ng SC, babawasan ang piyansa ng mga naakusahan ng krimen na may pataw na Reclusion Temporal o 12 hanggang 20 taong pagkakakulong, habang ang mga nahatulan ng anim na buwan pababa ay maaaring palayain base sa tinatawag na recognizance.


Paliwanag pa ni Año, uunahin ng BJMP ang pagpapalaya sa mga PDL na may court order at kasalakuyang napipiit sa mga pasilidad ng BJMP na may kumpirmadong kaso ng COVID-19.

Base sa ulat ng DILG, apat sa 468 pasilidad ng BJMP sa buong bansa ang may naitalang 345 kaso ng COVID-19.

Abot naman sa mahigit 3,000 PDL sa mga BJMP facilities ang maaaring palayain sa oras na makatanggap na ng court orders.

Facebook Comments