
Ipinakukunsidera ni Senator Robin Padilla sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang pag-demonetize o pagpapawalang-bisa sa paggamit ng ₱1,000 banknote bilang hakbang laban sa katiwalian.
Ang panukala ay bunsod ng mungkahi ni dating Finance Secretary Cesar Purisima, kasunod ng pag-amin ng mga dating opisyal ng DPWH-Bulacan hinggil sa umano’y paghahakot ng bilyun-bilyong pisong cash na inilalagay sa mga maleta at idinedeliber sa mga mambabatas na umano’y nangomisyon sa flood control projects.
Dahil dito, naghain si Padilla ng Senate Resolution No. 192, na humihikayat sa Senado at BSP na repasuhin at ikunsidera ang pag-demonetize ng ₱1,000 banknote na inisyu mula January 1, 2020 hanggang September 30, 2025.
Nakasaad sa resolusyon na bukas ang panukala sa anumang hakbang na magpapalakas ng transparency, accountability, at kakayahang masubaybayan ang paggalaw ng salapi, lalo na sa malalaking denominasyon.
Ayon sa senador, sa oras na maipatupad ang demonetization, mahihirapan ang mga sangkot sa katiwalian na maghakot at magtago ng malaking halaga ng pera at mapipilitan silang ilantad ang mga ninakaw na salapi.
Inihalimbawa rin sa resolusyon na ipinatupad na ang kaparehong hakbang sa mga bansang gaya ng Singapore, Canada, European Union, at Nigeria bilang panlaban sa organized crime at money laundering.










