Manila, Philippines – Inirekomenda ni House Committee on Transportation Chairman Cesar Sarmiento na i-develop ang Clark International Airport at Sangley Point sa Cavite.
Ito ay para mailipat ang ibang mga airlines sa Ninoy Aquino International Airport sa Clark at sa Sangley Point kasunod ng naging aberya sa nangyaring pagsadsad sa runway ng Xiamen Airlines noong nakaraang linggo.
Ayon kay Sarmiento, pinaka-practical na paraan ito na lumikha ng panibagong airport para maibigay ang convenience at comfort sa mga airline passengers.
Samantala, iginiit naman ni Deputy Speaker Prospero Pichay na panahon na para ilipat ang mismong NAIA sa Clark.
Paliwanag ni Pichay, napakalawak ng Clark na may dalawang runways hindi katulad sa NAIA na iisa lang ang runway nang parehong domestic at international flights.
Kung nasa Clark na ang NAIA, sakaling maulit ang insidente ng overshoot sa runway ay hindi maaapektuhan ang operasyon ng paliparan dahil may isa pang runway na gumagana.
Sa Setyembre 5 inaasahan na masisimulan ng Committee on Transportation ang imbestigasyon ng nangyaring overshoot sa runway ng NAIA.