Isinulong ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na ma-doble ang social pension na ipinagkakaloob ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa 3.8-milyong mga mahihirap na senior citizen sa bansa.
Nakapaloob sa Senate Bill No. 2243 na inihain ni SP Sotto na gawing 1,000 ang kasalukuyang 500 pesos kada buwan na mandatory social pension ng mga kapus palad na senior citizen.
Layunin ng panukala ni SP Sotto na madagdagan ang pambili ng pagkain at gamot ng mga indigent senior citizen lalo ngayong mas mahirap ang kanilang sitwasyon dahil sa COVID-19 pandemic.
Base sa panakula, kada dalawang taon ay rerepasuhin ito ng DSWD at Department of Budget and Management (DBM) upang madetermina kung magkano ang dapat idagdag base sa halaga ng piso at presyo ng mga bilihin.
Alinsunod sa panukala ni SP Sotto, ang nabanggit na dagdag na social pension ay ipapaloob sa taunang budget ng DSWD.