Pag-donate ng China ng karagdagang 400,000 doses ng bakuna sa Pilipinas, tila may hidden agenda – Carpio; Pangulong Duterte, pinayuhang paalisin na ang China sa WPS

Inihayag ni dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na tila may ibang pakay ang China sa pag-donate nito sa Pilipinas ng karagdagang 400,000 doses ng bakuna ng Sinovac na dumating na sa bansa ngayong araw.

Ayon kay Carpio, tila “softening the blow” ang ginawang pag-donate ng China ng mga bakuna, upang maibaling ang atensiyon sa namataang mga barko ng China sa West Philippine Sea (WPS).

Kung magsasagawa kasi aniya ng protesta ang Pilipinas, sinabi ni Carpio na tila magiging indikasyon na ito ng pagiging walang utang na loob ng bansa dahil sa pagbibigay ng bakuna ng China.


Kasabay nito, pinayuhan naman ni Carpio si Pangulong Rodrigo Duterte na sabihan si Chinese Ambassador Huang Xilian na kung talagang kaibigan tayo ng China ay dapat umalis na sila sa karagatang sakop ng Pilipinas.

Gagawin ito sa nakatakdang pagkikita ng Pangulo at ni Chinese Ambassador to the Philippines.

Sa ngayon, maliban kay Carpio sinuportahan din ni House Deputy Speaker Rufus Rodriguez ang umano’y hidden agenda ng China sa pag-donate nito ng bakuna sa Pilipinas.

Paliwanag kasi ni Rodriguez, hindi maiiwasang isipin na may koneksiyon ang mga bigay na bakuna at ang panibagong insertions ng China sa WPS.

Bagama’t kasi aniya mabuting magpasalamat sa China dahil sa mga donasyong bakuna, dapat ding kondenahin ang presensya ng mga Chinese vessels sa teritoryo ng bansa.

Wala pa namang pormal na sagot ang gobyerno ng China sa pinakabagong diplomatic protest na inihain ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Facebook Comments