
Hindi sumagi sa isip ni Senator Imee Marcos na reward sa pagsasagawa niya ng pagdinig tungkol sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-endorso sa kanya ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Sen. Marcos, kahit kailan ay hindi nila naisip dalawa na ang pag-endorso sa kanya ng Bise Presidente ay reward o pabuya sa isinagawang imbestigasyon dahil ang pagsuporta sa kanya ni VP Sara ay dala ng matagal na nilang pagkakaibigan.
Sinabi ng senadora, tulad sa ibang magkaibigan hindi nila minsan maiwasang magkainisan sa mga salitang nabibitawan pero ang pagkakaibigan nila ay nananatiling buo pa rin.
Hindi naman maiwasan ni Sen. Marcos na amining kasalanan niya at napahamak niya si VP Duterte dahil siya ang nagdala dito sa gulo matapos niyang kumbinsihin na maging running-mate ng kanyang kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos gayong dapat ay Alkalde ng Davao City ang unang tatakbuhan.
Hindi man direktang masabi na nanghihinayang, sinabi ni Sen. Marcos na nabigyan na ng pagkakataon na makabalik ang kanilang pamilya sa politika, subalit sa loob ng tatlong taon ay puro paghihiganti sa mga Duterte ang ginawa ng gobyerno.