Tinanong ni House Deputy Speaker Rodante Marcoleta sa National Telecommunications Commission (NTC) kung bakit pa rin umeere ang ilang programa o content ng ABS-CBN sa pamamagitan ng SkyCable gayung napaso na ang prangkisa nito noong May 4.
Sa pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises at Committee on Good Government and Public Accountability, binanggit ni Marcoleta ang isyu sa SkyCable na pagmamay-ari ng network.
Aniya, walo mula sa 10 channels na pagmamay-ari ng ABS-CBN ay patuloy pa ring umeere tulad ng Cinemo, Jeepney TV, Yey!, Knowledge Channel, O Shopping, Myx, Teleradyo, at ABS-CBN News Channel (ANC).
Tugon dito ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, nag-isyu si dating Pangulong Corazon Aquino ng Executive Order no. 205 noong 1987 kung saan inalis ang requirement ng legislative franchise sa cable TV operations.
Nakasaad aniya sa EO na ang operasyon ng cable antenna television system sa Pilipinas ay manananatiling bukas sa lahat ng mamamayan, sa korporasyon, kooperatiba o asosasyon na mayroong certificate of authority mula sa NTC.
Pero iginiit ni Marcoleta na ang EO 205 ay inilabas noong June 30, 1987, lagpas sa February 2, 1987 kung kailan niratipikahan ang 1987 Constitution, kung saan inalis ang lawmaking power ng isang pangulo.
Dagdag pa ng mambabatas, ang SkyCable Corporation ay hindi nag-avail ng certificate of authority mula sa NTC, pero humiling ito ng prangkisa mula sa Kongreso.
Hindi nakasagot ang ABS-CBN o ang NTC hinggil dito matapos suspendihin ang pagdinig.
Ipagpapatuloy muli ang pagdinig ng ABS-CBN franchise sa Huwebes, June 11.