Pinapa-imbestigahan ni House Minority Leader Marcelino Libanan sa House Committee on Health ang hindi nagamit at na-expire na milyong-milyong doses ng bakuna kontra COVID-19 sa gitna ng pandemya.
Sa inihain House Resolution 191 ay tinukoy ni Libanan ang report na mula noong Abril hanggang Hulyo ngayong 2022 ay nasa 4 na milyon hanggang 27 milyong doses ng COVID-19 vaccines ang hindi nagamit at na-expire lamang, na nagkakahalaga ng ₱5 billion hanggang ₱13 billion.
Giit ni Libanan, kailangang kumilos o magsumikap ang pamahalaan para mabawasan ang pagkasayang ng mga bakuna at dapat maging transparent ito ukol sa mga napapasong bakuna upang matukoy ang dahilan at magpatupad ng epektibong “intervention” para rito.
Binanggit din ni Libanan ang pinakahuling report ng Department of Health (DOH) na mula sa higit 200 million doses ng bakuna na donasyon at binili ng gobyerno, ay nasa 6.6% ang vaccine wastage na pasok pa rin daw sa standards ng international organizations gaya ng World Health Organization o WHO.